Originally published by Bulgar Online Official
Nanatiling tabla sa liderato ang defending champion United City FC, Kaya FC Iloilo at Stallion Laguna FC sa pagtatapos ng pangalawang linggo ng 2022-2023 Philippines Football League (PFL) hatid ng Qatar Airways noong Linggo sa magkahiwalay na palaruan.
Parehong may tig-anim na puntos ang tatlong koponan bunga ng kanilang ikalawang sunod na mga panalo. Binahiran ng Kaya ang unang laro sa PFL ng Dynamic Herb Cebu FC, 3-0, matapos ang 0-0 na first half sa Rizal Memorial Stadium. Binasag ni Jarvey Gayoso ang katahimikan ng Kaya sa ika-55 minuto sa kanyang goal buhat sa pasa ni Daizo Horikoshi.
Biglang bumuhos ang malakas na ulan sa ika-80 minuto subalit lalong bumangis ang Kaya at ipinasok ni Horikoshi ang dalawa pang goal sa ika-86 at ika-91 minuto. Piniling Man of the Match si Gayoso at agad nagpasalamat dahil malaking bagay ang goal sa kanyang patuloy na pagbabalik kumpiyansa buhat sa pilay na tuhod.
Ipinanalo ng bagong lipat na si Hamed Hajimehdi ang Stallion kontra sa Maharlika Manila FC, 2-1, sa bisa ng malakasang sipa mula sa 54 talampakan sa ika-38 minuto. Hindi na pumuntos ang parehong koponan at sabay humigpit ang depensa sa second half at Man of the Match si Hajimehdi na dating Mendiola FC 1991.
Dalawang minuto pa lang ang lumilipas ay inulo agad ni Spencer Galasa ang unang goal ng Maharlika buhat sa free kick ni Jerald Facturanan. Tinabla ni Gabriel Silva ng ang laban matapos niyang patalbugin sa ulo ang corner kick ni Hajimehdi sa ika-10 minuto.
Samantala, sa Agosto 30 gaganapin ang opisyal na bunutan para sa 2022 AFF Mitsubishi Electric Cup na bago na ang pangalan. Mapapanood ng mga Pinoy ang Azkals ng harapan dahil iikot muli ang mga laro sa mga bansang kalahok, kabaligtaran sa huling edisyon kung saan ginanap sa Singapore ang buong torneo na nagbunga ng ika-anim na korona para sa Thailand.
Mga laro sa Linggo – Rizal Memorial Stadium: 4:00 PM Kaya Iloilo vs. Mendiola 1991
7:00 PM United City vs. Dynamic Herb Cebu