Originally published by Bulgar Online Official
Nakahanap na ng bagong tahanan ang Philippine Football League (PFL) champion United City Football Club simula ngayong buwan sa New Clark City Stadium sa Capas, Tarlac. Maghahanda na ang koponan sa pagbisita ng Azkals Development Team sa unang nilang laro sa Oktubre 22 na tiyak na bubuhay ng Football sa buong Gitnang Luzon.
Noong Martes ay pinagsabay ang kasunduan ng koponan at Bases Conversion and Development Agency (BCDA). Pinangunahan nina UCFC President Eric M. Gottschalk at Senior Vice President Arrey A. Perez ng BCDA ang seremonya saksi sina Philippine Football Federation General Secretary Atty. Edwin Gastanes, Alvin Yalung ng Central Luzon Football Association, Engr. Patrick Nicholas David ng MTD at UCFC Director for Football Coach Juan Esteva.
Ipinakita rin ng mga kapitan ng United City na sina Mark Hartmann at Alan Robertson ang kanilang pangatlong uniporme na kahel na halaw sa kulay ng mga upuan sa New Clark City. Ito ang kanilang gagamiting eksklusibo sa New Clark at dagdag sa nakasanayang nilang mga uniporme na itim at ginto.
Ayon kay Gottschalk, maghahanda ng mga sasakyan upang maihatid ang publiko na nais manood sa palaruan mismo at ilalatag ang konkretong detalye nito sa mga susunod na araw sa opisyal na social media ng koponan. Maaaring bumili ng tiket sa website ng UCFC o sa takilya mismo sa araw ng laro.
Pagkatapos ng Azkals, ang susunod na bisita ng UCFC ay ang Stallion Laguna FC sa Nobyembre 5. Inihahanda pa ng PFL ang kalendaryo ng Round 3 at 4 na gaganapin sa 2023 matapos ang 2022 FIFA World Cup Qatar sa Disyembre. Pasok na rin ang UCFC sa 2023 AFC Cup at malakas ang posibilidad na bumalik sa 2023 AFC Champions League.