Originally published by Bulgar Online Official
Ibinigay ng punong-abalang BG Pathum United ng Thailand ang pinakamatinding talo sa United City Football Club sa tumatakbong 2022 AFC Champions League, 5-0, sa pagwawakas ng Round One ng group stage noong Huwebes nang gabi sa BG Stadium. Wala pa ring panalo at puntos ang mga kinatawan ng Philippines Football League (PFL) sa kanilang tatlong laro at gagawin ang lahat para makabawi sa Round Two at maagaw ang isang puwesto sa knockout playoffs.
Patuloy ang mahigpit na depensa ng UCFC at hinintay ng Rabbits ang ika-42 minuto bago naka-goal si Kanokpon Buspakom galing sa pasa ng alamat na si Teerasil Dangda. Nanatiling 1-0 hanggang katapusan ng first half, subalit gumuho ang koponang Pinoy sa second half.
Nagtrabaho nang husto ng UCFC upang mapantay ang iskor ngunit nag-iba ang timpla ng laro matapos paupuin si Dangda kapalit ni Diogo sa ika-71 minuto. Dinoble ni Worachit Kanitsribampen ang lamang sa ika-72 at nagbunga ng isa pang goal si Diogo sa ika-80 galing sa pasa ni Pathompol Charoenrattanapirom.
Lalong nabaon ang UCFC nang aksidenteng naipasok ni Alan Robertson ang bola sa sarili nilang goal para maging 4-0 sa ika-82 minuto. Nagpalit ng papel at si Diogo ang pumasa kay Charoenrattanapirom para sa pandiin na ika-5 goal sa ika-87 minuto.
Kaunting panahon lang ang nakalaan upang maghanda ang mga koponan at magkikita sila muli sa simula ng Round 2 ngayong Linggo, Abril 24. Dahil sa panalo, pansamantalang umakyat sa liderato ng Grupo G ang BG Pathum na may dalawang panalo at isang tabla para sa 7 puntos.