Originally published by Bulgar Online
Inangkin ng United City Football Club ang solong liderato sa pagpapatuloy ng 2022 Copa Paulino Alcantara matapos ang 4-0 na panalo sa Azkals Development Team Huwebes ng gabi mula sa PFF National Training Center sa Carmona, Cavite. Sa kanilang ikatlong laro sa nakalipas na 7 araw, hindi nagpakita ng kapaguran ang mga beterano ng UCFC upang angatin ang puntos sa 7 buhat sa dalawang panalo at isang tabla.
Pinatalbog ng pasa ni Kenshiro Daniel ang bola sa harap ni Ricardo Sendra at agad sinipa niya ito para sa malapitang goal sa ika-13 minuto. Nagmukhang kanyon ang paa ni Amirbek Juraboev sa lakas ng sipa mula higit 30 talampakan at hindi ito naharang ni Kyle Bayabos para sa 2-0 na talaan sa ika-22 minuto.
Pagsapit ng second half ay isa-isang ipinasok ang mga reserba subalit hindi nagbago ang kalidad at nakuha ng bagong pasok na si Ivan Ouano ang 3rd goal sa ika-72 minuto. Napilitang laruin ng ADT ang huling 5 minuto na kulang sa tao matapos mapilay sa tuhod si kapitan Scott Woods at wala na silang pamalit kaya pinagsamantalahan ito ni Daniels at lumikha ng isa pang goal para sa sarili sa ika-90 minuto.
Susunod para sa UCFC ang Mendiola FC 1991 sa Lunes, Abril 4. Babalik sa aksyon ang ADT sa Abril 11 laban sa Stallion Laguna FC.
Samantala, inihayag ng Philippine Football Federation na mula ngayon ay “Filipinas” na ang magiging opisyal na moniker ng Philippine Women’s Football National Team. Dumating na sa Sydney, Australia ang Filipinas para sa isang buwang ensayo para sa 31st Southeast Asian Games.